Custom Search

STORIES

MAY HIYAS PA SA LIBLIB

(Kwento ni Ronnie M. Halos)== Episode 20


MAGANDA na ang kalsada nang makalampas si Fred sa bayan ng Victoria. Hindi na matindi ang sikat ng araw. Pasado alas-tres na. Tamang-tama na may araw pa bago siya makarating sa Socorro.
Nang umaakyat na sa bundok ang kanyang pickup ay saka niya naalalang dapat ay na-text na niya ang pinsang si Raul. Bilin sa kanya ni Raul ay mag-text sakali at darating. Ipinarada niya ang pickup sa gilid. Tinext si Raul. Parating na ako. Dito na ako Victoria.
Sumagot agad si Raul. Okey dito lang ako sa bahay. Aabangan kita, Pinsan.
Pinatakbo uli niya ang pickup. Zigzag ang daan habang paakyat sa bundok. Mababagsik ang kurbada. May nasasalubong siyang malalaking bus. Galing sa Iloilo. Mga turista ang sakay nagbakasyon sa Boracay.
Mga kalahating oras din bago nakarating sa Socorro si Fred. Ito na ang bayan niyang sinilangan na matagal din bago niya nadalaw. Wala na naman kasi siyang pupuntahan dito. Wala na silang lupa rito dahil naipagbili noon pa nang magkasakit ang ama at ina.
Akalain ba niyang dito rin pala siya babagsak. At kaya siya muling narito ay para may takasang masakit na nakaraan. Dito rin pala siya magpapagaling ng sugat na dulot ng taksil na asawa.
Ang bahay nina Raul ay nasa mismong bayan. Sa pagkaaalam niya, sa ancestral house nakatira si Raul. Mula nang mamatay ang mga magulang ni Raul na sina Tatang Nado at Nanang Encar, ito na ang tumira sa matandang bahay.
Malayo pa si Fred sa bahay nina Raul ay natanaw na niya ito. Nakatayo sa harap ng gate.
Nakangiti si Raul nang pumarada siya. Bago na ang bahay. Ni-remodel.
‘‘Ipasok mo ang sasakyan Pinsan. Ayan at maluwang na ang garahe ko,” sabi ni Raul.
Ipinasok ko.
“Maganda na pala ang bahay mo, Pinsan. Mukhang asensado na.”
“Ipinagbili ko kasing kabahaging lupa ni Inay sa Maragook at ipinagpagawa ko nitong bahay. Pag-umuuwi galing Maynila ang mga kapatid ko, dito sila tumutuloy. Halika Pinsan sa loob at nang makakain ka. Tamang-tama me masarap na ulam diyan --- sinigang na baboy-damo sa alugihib. Alam ko paborito mo dahil yan ang kinakain natin nung mga bata pa tayo rito sa Socorro. Nanghuhuli si Tatay at si Tiyo Atong sa Calucmoy, di ba?” Ang Tiyo Atong na binanggit ni Raul ay ang tatay ni Fred. Si Raul ay kasing-edad ni Fred.
“Meron pa bang baboy-damo, Pinsan?”
“Meron pa mandin.” 
Inihanda ang mesa. Saga- na nga sa ulam. Bukod sa   sinigang na baboy-damo ay may inihaw na dalag. Mabango ang kanin. Maraming prutas.
‘‘Sige kain na Pinsan. Mamaya pagkatapos kumain e uminom tayo. Magpapa-kuha ako ng tuba. Alam ko sabik ka na rin sa tuba.”
Habang kumakain, ikinuwento ko kay Raul kung bakit bigla kong naisipan na magbalik sa Socorro. Naunawaan niya ako.
“Sige merong lupang ipinagbibili sa Luningning. Murang-mura lang at mahawan na. Tiyak na magugustuhan mo roon.”
“Pinsan gusto ko yung liblib. Kahit walang kuryente at hindi naaabot ng cell phone… Gusto ko malayo rito sa bayan…” (Itutuloy)


MAY HIYAS PA SA LIBLIB

(Kwento ni Ronnie M. Halos)== Episode 19



MASYADO ang nadamang pagkapahiya ng bayaw na si Ricky kaya gustong matakpan iyon kay Fred. May ini-offer pa para makaganti sa ginawang kataksilan.
“Kung gusto mong ma-kaganti Bayaw, sabihin mo lang sa akin. Madali kong maipapapatay ang hayop na lalaki. Marami akong kakilala sa Sta. Ana na ang trabaho ay pumatay. Isang bala lang ang hayop na tumarantado sa’yo.’’
‘‘H’wag na Bayaw. Okey na ako. Sabi ko nga sa’yo lalayo na lang ako. Pupunta na lang ako sa ibang lugar. Masasayang lang pare-pareho ang buhay natin kapag ginawa ‘yun. Salamat sa simpatya.’’
‘‘Sabagay kahit na siguro hindi ko ipapatay ang hayop na lalaki e maaga rin siyang madededbol. Puro ilegal pala ang trabaho ng hinayupak. Nalaman ko sangkot siya sa pagpapakalat ng mga malalaswang video. ‘Yun bang mga scandal at saka ibinibenta sa Quiapo. Kaya yung mga kuha ng tontingan nila ni Precy, tiyak nasa bangketa na sa Quiapo yun. Eskandalo ng misis ng OFW. Baka pinagkakaguluhan na ng mga malilibog...
‘‘Bukod sa mga x-rated, lumilinya rin pala sa shabu ang hayop. Pawang ilegal nga ang lakad. Nagtataka ako kung paano nahuma-ling sa hayop na lalaki ang sutil kong kapatid. Bumigay agad kahit na iilang buwan ka pa lamang nakakaalis. Grabe yung kapatid ko. Wala naman sa lahi namin ang “makakati”. At matindi e dito pa sa bahay mo ginawa ang kataksilan…Pero malakas ang kutob ko na sandali na rin ang buhay ng hayup. Baka isang umaga e matagpuang nakalutang sa ilog Pasig o baka matagpuang chop-chop na…
“Sige Bayaw, kung sa palagay mo e sa malayong lugar ka makakadama ng katahimikan ng kalooban e sumige ka. Sana naman ay makatagpo ka nang bagong mamahalin dun sa pupuntahan mo. Sana ang matagpuan mo e hindi katulad ng taksil kong kapatid. Sori uli Bayaw ha. Magkikita pa naman siguro tayo…”
Nagpaalam na si Ricky kay Fred. Inihatid ni Fred hanggang gate ang bayaw.
Kinabukasan, inihanda na ni Fred ang mga dadal­hin patungo sa lugar na magkakaroon siya ng katahimikan --- sa Socorro, ang bayan niyang sinilangan.
Kahit na walang kur-yente sa lugar na pupuntahan, mas gugustuhin niya roon. Kaya niyang magtiis. Kayang tiisin ang hirap huwag lang ang pasakit na kagaya ng idinulot ng taksil na si Precy.
(Itutuloy)


MAY HIYAS PA SA LIBLIB

(Kwento ni Ronnie M. Halos)== Episode 18 



NANG lumabas si Fred para buksan ang gate ay natigilan siya. Paano kung ang kumakatok ay ang taksil niyang asawa? Ano ang gagawin niya? Napabuntunghininga siya. Malalim.
Kung si Precy ang kumakatok, matitikman niya ang lupit ni Fred. Iyon ang nasabi ni Fred sa sarili. Hindi niya alam kung ano ang gagawin pero tiyak na masasaktan ang taksil na babae.
Binuksan niya ang gate. Nang mabuksan, si Ricky, ang bayaw niya ang naro- on. Problemado ang mukha. Tila may pagkapahiya. Pa-ano nalaman ni Ricky na narito na siya?
“Bayaw, papasukin mo ako. Mahalaga ang sasabihin ko,” sabi ni Ricky.
Pinapasok niya. Nang makapasok, isinara uli niya ang gate. Nauna siya sa pag­lakad patungo sa loob ng bahay. Nakabuntot si Ricky.
Nakapasok sila sa salas.
“Upo ka Bayaw.”
Naupo si Ricky.
“Alam mo na ang nangyari, Ricky?”
“Ako pa ba ang hindi ma­kaalam, Bayaw? Ako ang nagpadala ng mga retrato sa’yo!”
Gimbal si Fred. Paanong nangyari?
Ikinuwento ni Ricky.
“Aksidente ang pagtungo ko rito sa bahay mo, Bayaw nang mabisto ko ang ginagawa ni Precy at nang kalaguyo niya. Dumaan lang ako para mausisa ang kalagayan niya. Nataranta si Precy nang ma­kita ako. Paanong hindi matataranta ay kasama niya rito sa loob ang kalaguyo. Naka-shorts pa ang lalaki. Kalalabas lang sa banyo nang dumating ako…
“Tinanong ko si Precy tungkol doon. Siya pa ang nagalit   sa akin. Huwag daw akong makialam. Buhay daw niya iyon.
“Umalis ako. Pero naipa­ngako ko na hindi titigil hang-ga’t hindi nakakuha ng ebi­densiya ng kataksilan nila para maipadala sa iyo. Iyon ang unang naisip ko.
“Sa pagtatanung-tanong, napag-alaman ko na ang kalaguyo pala ni Precy ay may kakaibang tripping sa pakikipagtalik kung saan ay kinukunan ang kanilang ginagawa sa kuwarto. Nakakuha ako ng kopya ng mga malalaswang kuha. Iyon ang pinadala ko sa’yo. Nang maipadala ko, si­nugod ko rito si Precy at si­­nabing naipadala ko na ang mga kuha nila. Para siyang ibinabad sa suka. Hindi siguro akalain na magagawa ko iyon. Akala siguro at kapatid ko siya ay kokunsintihin ang gi­nagawa.
“Lumayas siya Bayaw. Sumama na sa lalaki niya. Sana nga, hindi ko muna sinabi sa kanya na naipadala ko na sa iyo ang mga retrato para hindi agad siya nakalayas dito. Mas maganda sana e inabot mo para napatay mo. Oo, Bayaw, kahit patayin mo ang babaing iyon. May katibayan ka naman.
“Naaawa ako sa’yo Ba-yaw. Sana nga ay hindi mo na siya pinakasalan. Di ba sinabi ko naman sa’yo na mayroon na siyang maitim na nakaraan, pero pinakisamahan mo pa rin.
“Sorry Bayaw ha, tina-rantado ka ng kapatid ko. Nagulo tuloy ang buhay mo.”
“Okey lang Bayaw,” sabi naman ni Fred. “Natanggap ko na ang lahat. Siguro e lalayo muna ako sa lugar na ito para tuluyang malimot ang lahat. Huwag kang mag-alala Bayaw…wala kang kasalanan sa nangyari.”
(Itutuloy)


MAY HIYAS PA SA LIBLIB

(Kwento ni Ronnie M. Halos)== Episode 17 





HINDI mahulaan ni Fred kung matagal nang wala si Precy sa bahay o kaaalis la­mang. Mabuti na lamang at hindi nati­yem­puhan ng akyat-bahay. Walang­hiyang babae at wala nang pakialam sa kanyang pinundar. Siguro’y sumama nang tulu­yan sa la­laki.
Unang tiningnan ni Fred ay ang mga ka­ binet ng damit na nasa kanilang dressing room. Gusto ni­yang makatiyak kung talagang luma­yas na ang masa­mang ba­bae. Nang buksan ang mga ka­binet, wala nang laman ang mga iyon. Kumpir­mad­ong umalis na nga. Napansin niyang sa ibaba ay may mga na­laglag pang panty, bra at panyo. Siguro’y sa pagmamadali ay hindi na napansin ang mga nalaglag. Alam ni Fred na maraming damit si Precy. Ibinili niya bago siya umalis patungong Saudi.
Nagbalik siya sa salas. Naupo sa malaki at malambot na sopa. Pinagmasdan niya ang kabuuan ng salas. Wa­lang ipinagbago. Kung ano ang itsura nang siya ay umalis, ganito pa rin,
Nang magsawa sa salas ay sa master’s bedroom naman siya nagtungo. Ano na kaya ang itsura ng bedroom na sinalaula ni Precy? Parang ayaw niyang ma­kita ang kuwarto pero nilabanan niya ang pag­tanggi ng isip. Kaila­ngang harapin niya.
Ganoon pa rin ang bedroom. May nakapa­ligid na kurtinang kre­ma. Green ang pintura ng silid. Malamig na malamig sa mata. May malaking TV set. May maliit na ref. May study table. At ang malaking kama na kahit yata sak­yan nang paulit-ulit ay hindi masisira dahil sa tibay. Matatag na mata­tag sa sulok ang kama.
Hanggang sa ma­alala ni Fred ang mga kuhang retrato na ipi­nadala sa kanya. Yung background ng mga retrato ay green na pader. May kurtinang krema. May nahagip na study table.
Putang-ina! Nasam­bit ni Fred. Dito pala ginawa ang mga kaha­layang iyon. Dito pala sa kuwar­tong ito gina­wa ang ka­taksilan. Hindi na naga­wang ma­kapag-motel. Si­nala­ula palang mas­yado ang kuwartong ito na iningatan niya na huwag marumihan. Ayaw ni Fred na ang papasok sa kuwartong ito ay may sinelas o anupamang sa­pin sa paa. Ayaw niyang may matangay na dumi ang sinumang papasok.
Iyon pala’y…ha-ha-ha! Hindi pala pangka­raniwang dumi ang dinala sa bedroom. Hindi basta putik ang dinala ni Precy. Napa­ka­bahong putik! Uma­alingasaw na putik na mahirap matang­gal kapag sa damit ay tu­milamsik!
Dito kinunan ang mga malalaswang po­sisyon. At nagkaroon ng kon­klusyon si Fred na ang mga taksil na rin mismo ang kumuha sa kanilang sarili. Kung bakit nila nagawa iyon ay hindi na alam ni Fred. Maaaring trip lamang nila. Maa­aring nasisiyahan sila kung kinukunan ang ginagawang ka­laswaan.
Lumabas na si Fred sa kuwarto. Isi­nara niya. Hindi niya alam kung maaari pa siyang makatulog nang mahimbing sa kuwartong iyon. O baka hindi na muna siya matulog doon. Hindi pa niya kayang humiga sa kamang dinapurak ng dala­wang taksil!
Sa salas na lang muna siya nahiga. Habang pinababahaw ang sugat, doon muna siya.
Nang kumagat ang dilim, nakarinig siya ng mga katok sa gate. Mahina muna. Tapos ay lumakas. Ipinasya ni Fred na lumabas.
(Itutuloy)


MAY HIYAS PA SA LIBLIB

(Kwento ni Ronnie M. Halos)== Episode 16 





HINDI na nga nagtagal si Fred sa Saudi at makaraan lamang ang isang buwan mula nang malaman ang kataksilan ng asawang si Precy ay nag-file na ng resignation. Maliban kay Pareng Junior niya, wala nang iba pang nakaalam sa dahilan nang biglaan niyang pagre-resign. Pati ang pagre-resign ay lihim din kaya walang nakaalam sa pag-alis niya. Walang naghatid kay Fred sa airport. Iyon ang pinakama­lungkot niyang pag-uwi sa Pinas. Umuwi siyang litung-lito ang isip. Kahit na nga sinabi niya kay Pareng Junior niya na okey na siya at natanggap na ang masaklap na ginawa ni Precy, kapag naaalala niya ang mga nasa retrato ay gusto niyang magsisigaw sa galit.
Habang nasa eroplano ay pinag-iisipan niya ang mga gagawin kapag duma-ting na siya sa bahay. Baka hindi siya makapagpigil ay kung ano ang magawa kay Precy. Baka…baka mapa-tay niya!
Tiyak na magugulat ang taksil na babae kapag naki- ta siya. Siguro ay hindi malaman ang gagawin. Halatang-halata na may nagawang kasalanan.
Naisip ni Fred na ano kaya at sa bayaw niyang si Ricky siya magpunta. Ipagtatapat niya rito ang tungkol sa kataksilan ni Precy. Ipakikita niya ang mga kuhang retrato. Mabuti at hindi niya sinunog ang mga retrato. Matibay na katibayan sa kataksilang ginawa. Hindi maipagkakaila ang kasalanan.
Pero bakit pa niya sa-sabihin kay Ricky? Ano naman ang magagawa nito kung sakali? Wala na itong magagawa dahil nagawa na ang kataksilan. Natuhog na si Precy at ang butas na nalikha niyon ay hindi na maibabalik. Baka sisihin pa siya ni Ricky pagnagkataon. Hindi ba’t ikinuwento nito sa kanya ang kahapon ni Precy. Binigyan na siya ng babala. Pero hindi niya inintindi at sabi pa niya ay okey lang. Kabirhenan lamang naman ang nakuha kay Precy.
Kung alam lamang ni Fred na ganito ang kahihinatnan, sana nga ay hiniwalayan na niya si Precy. Hindi na sana niya sinustentuhan.
Ipinasya ni Fred na sa kanyang bahay na magtuloy. Ano pa ba ang dapat niyang ikalito o ikatakot? At dapat ba siyang matakot?
Isang taksi ang tinawag niya nang makalabas sa arrival ng NAIA. Nagpahatid sa kanyang bahay. Mabilis ang taksi. Walang trapik ng oras na iyon kaya madali siyang nakarating sa bahay.
Bukas ang gate ng bahay niya! Itinulak lang niya ay bumukas. Kabilin-bilinan niya ay huwag ibubukas ang gate dahil maraming magnanakaw. Masama ang kutob ni Fred.
Nagmamadali siyang pumasok sa gate. Nagulat siya nang makitang bukas din ang main door ng bahay.
Pumasok siya. Walang tao. Kahit na hindi siya tu­­mawag, tiyak niya na wa­lang tao.
Lumayas na si Precy! Iyon ang nasa isip niya, Hindi na siya hinintay pa. Hindi na hinintay na magkaroon pa ng komprontasyon.
(Itutuloy)


MAY HIYAS PA SA LIBLIB

(Kwento ni Ronnie M. Halos)== Episode 15 



PERO bago siya natangay nang malakas na hangin na dala ng bagyong-buhangin, naisip ni Fred ang nag-iisang anak. Kawawa naman ito kung mamamatay siya. Ulila na nga sa ina ay mauulila pa sa ama.
Bago siya nabayo nang malakas na hangin ay na­katakbo siya. Mabilis na pagtakbo na noon lamang niya nagawa sa buong buhay niya. Bakit ba niya sasa-yangin ang buhay dahil sa taksil na si Precy? Hindi niya dapat ipagmukmok o ikasira ng ulo sa pag-iisip ang katulad ni Precy na masamang babae. Hindi ang katulad ni Precy ang magpapahina sa kanya para hindi ituloy ang pangarap.
Nang makarating siya     sa tirahan, at makita ng ka­samahang si Junior ay takang-taka kung bakit maraming   buhangin ang kanyang damit, mukha, braso at buhok. Sinabi niya ang totoo.
“Inabot ako ng sandstorm, Pareng Junior!”
“Ba’t ka naman nagpa­abot e alam mong delikado. At saka malayo pa ang sandstorm e nakikita mo na di ba. Sana nakatakbo ka na agad dito.”
“Sinadya ko talaga Pa­reng Junior. Ganoon pala kapag hinagupit ng sandstorm para akong maluko-luko…”
Napamaang si Junior. Tila nahihiwagaan sa mga sinabi ni Fred.
“Bakit mo sinadya, Pa­reng Fred?”
“Ikaw siguro hindi pa nakakaranas ng sandstorm ano, Pareng Junior.”
“Hindi pa Pare. Bakit mo naitanong?”
“Ako Pareng Junior, mas matindi ang dinanas kong sandstorm. Ibinigay ni Mareng Precy mo sa akin. Halos mawakwak ang ulo ko sa pag-iisip.”
Napamaang si Junior. Hindi ganap na maunawaan ang mga sinabi ni Fred. Matalinghaga. Masyadong mahirap arukin. Bakit nasali sa Mareng Precy.
“Langya Pare akala ko pa naman e mahinhin ang babaing ipinulok mo sa akin. Di ba sabi mo certified virgin? Pre me nakauna na. May nakahalukay na. Ha-ha-ha.”
Nakatingin pa rin si Junior kay Fred pero may na­aamoy na siya sa mga ikinukuwento nito.
“Tinaehan ako ni Precy sa bumbunan, Pareng Junior. Imagine, ilang buwan pa lang kaming nagkakawalay e kinati na. Paano pa kung taon na ang binibilang ng pagkakalayo namin?
“Akala ko Pare, sabi mo e kilala mo si Precy. Bakit ganoon? Tiwalang-tiwala pa naman ako sa’yo, yun pala ay tatarantaduhin ako ng ipinulok mo. Hindi ko talaga maubos-isipin na ganito ang mangyayari. Akala ko nakapulot ako ng ginto ng makilala siya at pinakala-san. Ang napulot ko pala ay tanso, ha-ha-ha.
“Pero hindi ako galit sa’yo Pareng Junior. Siyempre hindi mo alam ang tunay   na pagkatao ni Precy. At saka hindi mo naman talaga siya kaibigan kundi ang kapatid mo lamang…
“Huwag kang mag-alala Pareng Junior at kalmado na ako. Wala na akong galit. Kanina e inilabas ko na sa disyerto. Nagsisigaw ako roon. Nawala ang da-lahin ko…
“Siguro e hindi na ako magtatagal dito, Pareng Junior. Magpa-file na ako ng resignation. Gusto kong matahimik muna. At sigu­ro pagdating sa Pinas e mag-iisip ako kung saan magandang tumira. Gusto ko e yung matatahimik ako. Yung liblib at mapayapang lugar ang gusto ko…
(Itutuloy)


MAY HIYAS PA SA LIBLIB

(Kwento ni Ronnie M. Halos)== Episode 14 == 




MAKARAANG makita ang mga retratong ka­tibayan ng kataksilan ay parang loko-lokong nag­tungo sa disyerto si Fred at saka nagsisigaw. Kung mayroong maka­ka­kita sa kanya ay baka isiping loko-loko nga siya dahil sa ginagawang pagsisigaw.
Nang mapagod sa pag­sisigaw ay umupo siya sa buhanginan at isinapo ang dalawang kamay sa mukha habang nakatungo at nakapikit. Habang nakapikit ay tila nakikita niya ang mga padalang retrato. Dala­wang hubo’t hubad na katawan na nagsasalo sa kasalanan. Iba’t ibang posisyon. May closed-up na kuha. May nakapatong ang babae. May nakata­likod. May nakatagilid. Kung anu-anong posis­yong malaswa.
Mga hayop!
Binalikan ni Fred ang mga ikinuwento ng kan­yang bayaw na si Ricky nang mawala nang may isang buwan si Precy at sumama sa siyota nito. Hindi kaya ang kalaguyo ni Precy ay ang siyota rin nito noon? Posible. Maaaring may komunikasyon pa ang dalawa. Nakipagbalikan ang lalaki. At lalong luma­kas ang loob nang mala­mang nasa Saudi ang asawa ni Precy. At dahil siguro sabik na rin si Precy, natangay na rin. Kasing-edad din marahil kaya masyadong mainit. Mga hayop! Hindi na binigyang-halaga ni Precy ang kan­yang sinum­paan sa harap ng huwes na magsasama nang bu­ong katapatan sa habam­buhay.
Naisip ni Fred, sana noong ikinuwento ni Ricky sa kanya ang mga nang­yari kay Precy ay nagpasya na siyang hiwalayan ito. Sana hindi na niya hinintay pang maiputan siya sa ulo.
Matagal sa pagkaka­sub­sob habang nakaupo sa buhanginan si Fred. Ano ba itong nangyari sa kanya? Tanong niya sa sarili. Bakit siya pa?
Hindi pa sana aalis si Fred pero naramdaman niya ang pag-ihip ng ha­ngin. Kasunod ay ang pag­bagsak ng buhangin sa kanyang mga braso. May sandstorm. Nang alisin ang mukha sa pagka­ka­subsob at magmulat ng mga mata, nakita niya ang papalapit na bagyo ng buhangin. Halos wala na siyang ma­kita. Pero hindi natatakot si Fred. Wala nang silbi sa kanya ang lahat. Kahit na tangayin pa siya ng bagyong buha­ngin ay wala na siyang paki­alam. Winasak ng hayop na si Precy ang maga­gan­dang pangarap niya sa buhay. (Itutuloy)




MAY HIYAS PA SA LIBLIB

(Kwento ni Ronnie M. Halos)== Episode 13 == 






BINIGYAN na siya ng babala ng bayaw na si Ricky pero dahil mahal niya si Precy, hindi niya pinansin. Naniniwala si Fred na hindi siya lolokohin ni Precy habang nasa abroad.
Pero totoo pala ang babala ng bayaw niya.
Ilang buwan pa lamang si Fred sa Riyadh ay nakatanggap na siya ng sulat. Isang lalaki ang nagpupunta sa bahay nila. Pupunta ng umaga at sa hapon na ang uwi. Ganoon araw-araw ang ginagawa.
Hindi binigyang-pansin ni Fred ang sulat. Alam niya maraming naiinggit sa kanya. Maaaring isang naiinggit kapitbahay ang nagpadala ng ‘‘poison letter’’ na iyon at gustong guluhin ang kanyang buhay.
Pero patuloy ang pagpapadala ng sulat. Detalyado kung magkuwento. Ang lalaki raw ay mga 30-anyos, guwapo, maputi, may tattoo sa braso, may hikaw sa taynga. Nakasaad pa sa sulat na minsan daw ay umalis sina Precy at ang lalaki at kinabukasan na nagbalik.
Pinagtawanan lamang ni Fred ang sulat at saka itina-pon sa basurahan. Sigurado siyang paninira ang sulat dahil kapapadala rin lang ng text ni Precy noon at sinabing tutungo siya sa bahay nila sa Sta. Ana. Doon daw siya matutulog.
Sigurado si Fred isa sa mga kapitbahay niya ang nagpadala ng sulat. Maaaring ang kapitbahay niya na minsan ay nangungutang sa kanya pero hindi niya pinautang. Gumaganti sa pamamagitan ng paninira. Pinagtawanan lamang ni Fred ang paulit-ulit na pagpapadala ng sulat. Kahit magpadala nang magpadala ng sulat ay hindi niya ito papansinin. Hindi siya ma­aapektuhan ng ‘‘poison letter’’.
Pero nang may dumating sa kanyang makapal na sulat, ay pinagpawisan nang malamig si Fred. Sa hipo niya sa sulat ay mga picture ang laman niyon. Kabisado na niya ang sobre na may lamang picture.
Habang binubuksan ni Fred ang sobre ay kung ba­kit bigla siyang kinabahan. Hindi kaya ang mga picture na nasa sobre ang katibayan na “iniiputan’’ nga siya ni Precy? Hindi kaya iyon ang tunay na katibayan ng pagiging taksil?
Nang mabuksan ang sobre ay tumambad ang mga pictures. Gustong maghuramentado ni Fred sa nakitang mga picture. Totoo nga. “Iniiputan” siya ni Precy. Hindi lang basta “ipot” kundi malaking dumi na maaaring ikawala ng bait ng isang lalaking nagpapakahirap sa Saudi. Nasabi ni Fred na sana ay hindi na lamang niya binuksan ang sobre. (Itutuloy)


MAY HIYAS PA SA LIBLIB

(Kwento ni Ronnie M. Halos)== Episode 12 == 


“SAKA na lang natin pag-usapan ‘yan, Bayaw,’’ nasabi na lamang ni Fred.
Hindi naman makatingin si Ricky. Nakadarama na rin marahil ng pagkapahiya.
Nagpaalam si Fred na gagamit ng comfort room. Parang sasabog na ang bodega ng ihi niya dahil sa dami ng kargang beer.
Idinaos niya iyon.
Nang magbalik siya sa salas ay may dinugtong pa si Ricky tungkol sa mga nangyari kay Precy.
“Ipinagtapat ni Precy sa amin noon na kaya sila nagkawalaan ng siyota niya ay dahil binubugbog siya. Wala palang trabaho ang siyota. Itinira siya sa mga magulang nito. Kalbaryo raw ang dinanas niya sa lalaki. Nang hindi na matiis ay nilayasan na niya ang lalaki at bumalik dito sa bahay. Nagsisisi naman at sinabing hindi na gagawa pa ng ganoong pagkakamali…”
Mula raw noon ay hindi na tumanggap pa ng manliligaw si Precy. Ni lumabas daw para makipagkita sa   mga kaibigan ay hindi gina-wa. Sabi pa ni Ricky ay nagkaroon ng leksiyon si Precy.
Hanggang sa dumating nga ang panahong nakipag­sulatan kay Fred. Natuwa naman daw sina Ricky at Bino at nagpapakita na ng pagbabago si Precy. Nawala raw ang katigasan ng ulo nito.
Pero ang tanong ni Fred ay kung bakit naglihim pa si Precy sa nangyaring iyon. Kung talagang nagbago na, bakit hindi naging matapat sa kanya.
‘‘Mauunawaan ko naman siya kung sakali. Sana ipinagtapat niya para na-       ging maayos ang lahat…” sabi ni Fred.
“Iyon nga ang sinabi ko sa kanya. E ewan ko ba kung bakit hindi niya ako pinakinggan. Nahihiya tuloy ako sa’yo Bayaw. Parang lumalabas na nagkutsabahan kami ni Precy…”
“Okey lang Bayaw, nauunawaan kita. Ginawa mo naman ang tungkulin mo bilang kapatid.”
“Salamat, Bayaw. Ikaw na ang bahala kay Precy. Kung makagawa man ng kasalanan sa iyo si Precy habang kayo ay nagsasama, ikaw na ang bahala. Gawin mo ang nararapat. Wala kang maririnig sa akin. Kasi’y baka mangaliwa ‘yan habang nasa Saudi ka...”
Sa sinabing iyon ng ba-yaw na si Ricky ay biglang naalimpungatan si Fred. Naibagsak ang kanang kamay sa katangan ng upuang kawayan na nasa may pintuan ng restawran na kinainan niya. Nawala na ang busog niya sa kinain. Ipinasyang ipagpatuloy ang biyahe. Malayu-layo pa rin ang bayan ng Socorro na pupuntahan niya.
(Itutuloy)


MAY HIYAS PA SA LIBLIB

(Kwento ni Ronnie M. Halos)== Episode 11 == 


“PAYAT si Precy nang umu­wi. Nanlalalim ang mga mata, walang sigla, malayung-malayo sa itsura bago siya sumama sa hinayupak na siyota niya. E siyempre kami naman ni Bino nang makita siyang ganoon e nabagbag ang kalooban... ’’
Tumigil si Ricky sa pagkukuwento at napatitig kay Fred. Si Fred naman ay nakatingin din lang kay Ricky. Naghihintay lamang si Fred. Ayaw man niyang marinig ang mga susunod pa ay wala na siyang nagawa. Basta’t ang alam ni Fred, nadaya siya ni Precy. Hindi ito naging matapat sa kanya sa panahong nagsusulatan sila. Wala itong binanggit sa kanya ukol sa mga nakatago sa buhay. Unfair si Precy. Gusto rin namang sisihin ni Fred si Junior na kasamahan niya sa trabaho sa Riyadh. Ito kasi ang nag-utos sa kanya na sulatan si Precy. Ipinagmalaki pa ni Fred na birhen na birhen daw si Precy. Gusto niyang upakan si Junior.
Idinaan na lang ni Fred ang lahat sa pag-inom. Lulunurin na lang niya. Ipinagbukas    niya ng beer si Ricky.
“Sige inom na lang tayo, Bayaw. Nandiyan na ‘yan…” sabi ni Fred.
‘‘Natatandaan mo ba Ba-yaw noong gabing dumalaw ka sa bahay noong bago kayo ikasal sa huwes?’’

“Pinagsabihan ko siya noon, Bayaw. Sabi ko sa kanya ipag­tapat ang lahat sa’yo para walang problema pagdating ng araw. E umiral na naman ang katigasan ng ulo. Wag daw siyang pakialaman...meron na raw siyang sariling pag-iisip. Siya na raw ang ba­hala sa sarili niya.”
Nagpatuloy pa si Ricky.
“Hanggang sa nalaman ko na nga na balak n’yo na pa­lang magpakasal sa huwes. Sa isip ko, baka naman nalaman mo na ang lahat at okey naman sa’yo kahit na me nang­yari kay Precy...”
“Wala siyang sinasabi sa akin, Bayaw,’’ sabi ni Fred.
Napailing-iling si Ricky.
“E halimbawa, Bayaw at nagtapat sa’yo si Precy bago kayo ikasal, anong gagawin mo?’’
“Mahal ko pa rin siya. Walang mababago.”
“E ngayon na nalaman mo na meron palang madilim na part si Precy anong nararamdaman mo sa kanya?”
Hindi naman agad nakasagot si Fred. Hindi niya alam kung ano ang isasagot.
(Itutuloy)


MAY HIYAS PA SA LIBLIB

(Kwento ni Ronnie M. Halos)== Episode 10 == 


OKEY lang kay Fred kahit may nakauna na kay Precy. Siya nga nagustuhan ni Precy kahit na biyudo at may anak. Sa ibang babae lalo at dalaga ang pipiliin ay binata. Hindi na naman uso ang birhen ngayon.
Sunud-sunod ang ginawang pagtungga ni Fred. Ngayon lang siya nakainom nang ganito karami. Tama nga pala yung kasabihan na puwedeng lunurin sa alak ang mga problema.
Sunud-sunod din ang ginawang pag-inom ni Ri­c­ky. Palagay ni Fred, mas maraming nainom si Ricky kaysa kanya.
“Bayaw huwag mo nang mabanggit kay Precy na nagkuwentuhan tayo at pinag-usapan siya. Lalong magagalit sa akin yun. Ayaw ko namang magkakagalit kami. Siyempre ako ang pa-nganay ayaw ko na meron kaming samaan ng loob. Ang sa akin lang e para mapabuti siya…”
“Huwag kang mag-alala Bayaw at sekreto nating dalawa yan. Ako wala sa akin yun kung anuman ang nangyari sa kanya. Basta mahal ko siya…”

Mukhang may tinutumbok na naman si Ricky at kahit na namamanting na ang taynga ni Fred dahil sa nainom, matalas pa rin naman ang pakiramdam niya. Hindi maintindihan ni Fred kung anong ibig sabihin ni Ricky na siya ang nagpabago sa buhay ni Precy.
“Bakit mo naman nasabi, Bayaw na ako ang nagpabago sa buhay ni Precy?”
“Mula kasi noong magsu­latan kayo, napirmi na siya sa bahay at hindi na nagla­lalabas ng bahay…”
Pag sinabing naglalalabas ng bahay ang kahulugan niyon ay “layas”.
“Bayaw sasabihin ko na nga ang totoo. Tutal at malalaman mo rin naman…”
Napalunok si Fred at tila nawalan ng panlasa. Inuunti-unti siya ni Ricky.
“Naglayas yang si Precy noon Bayaw. Mga isang buwan sigurong naglayas. Halos mabaliw kami ni Bino sa paghahanap. Hindi namin makita. Kung anu-ano na ang naiisip namin ni Bino. Baka kinidnap na at kung saan dinala. Maganda kasi siya kaya nag-aalala kami…
Nagpatuloy si Ricky sa pagkukuwento sa kapatid. Si Fred naman ay wa­lang kaimik-imik. Kung anu­man ang ikukuwento ni Ricky tungkol kay Precy ay naidalangin niyang sana naman ay hindi na gaanong kasamaan. Parang ayaw na niyang makarinig pa ng kuwento na may kinalaman kay Precy. Pero ngayong nagbigay na ng introduksiyon si Ricky, ano pa ang magagawa niya kundi pakinggan ang panibagong kuwento.
“Sumama si Precy sa siyota niya. At makalipas ang isang buwan, bumalik. Nakita namin ni Bino na kumakatok sa pinto. Hindi ako makapaniwala sa itsura. Gusto kong pumatay ng tao…” (Itutuloy)


MAY HIYAS PA SA LIBLIB

(Kwento ni Ronnie M. Halos)== Episode 9 == 




NAIDIIN ni Fred ang tapak sa gas kaya umatungal ang second hand niyang pickup. Bumilis. Matagtag sa bahaging iyon ng highway. Maalikabok. Nanlalagkit ang katawan niya dahil mainit ang panahon. Binalikan niya ang sinabi ni Ricky ukol sa kapatid na si Precy. Nagkasiyota ito ng kasamahan sa call center. Gabing-gabi na kung umuwi. At nagkaroon na ng konklusyon si Fred na ang naging siyota ang nakauna sa asawa. Kaya pala balewala ang pagsisiping nila sa unang gabi. Walang kirot. Madaling nailusot.
Napabuntunghininga si Fred sa bahaging iyon ng pag-alala sa nakaraan nila ni Precy. Kung hindi nalasing ang bayaw ay hindi niya malalaman ang mga nakatagong kuwento ni Precy. Pero noon ay okey lang sa kanya anuman ang nakaraan ni Precy sa dating siyota. Ang nakaraan ay nakaraan na. At ano naman ang magagawa pa niya. Kahit na magsisigaw siya sa galit, hindi na maibabalik ang napunit na hymen.
Nakaramdam siya ng uhaw. Nang matanawan ang isang restaurant sa gilid ng highway ay itinigil. Balak niya ay uminom lang ng malamig na softdrink pero nang makita ang specialty ng restaurant na “hito adobo sa gata” ay naglaway siya at ipinasyang kumain na. Pasado alas-dos ng hapon.
Makintab ang inihaing ginataang hito. Sagana sa gata. Mabango ang bagong sandok na kanin. May patis at kalamansi ang serbidora. Lalo siyang ginanahan sa pagkain. Matagal na siyang hindi nakakakain ng ganitong ulam.
Nakadalawang cup siya ng kanin. Gutom talaga siya. Ang sarap inumin nang malamig na softdrink. Enjoy siya sa ginataang hito.
Hindi agad siya umalis pagkaraang kumain. Baka antukin siya habang nagmamaneho ay maaksidente siya. Mga mahigit pang isang oras ang lalakbayin niya bago makarating sa Socorro. Ang Socorro ang bayan niyang sinilangan.
Naupo muna siya sa upuang kawayan na nasa may entrance ng restaurant. Walang customer dahil alanganing oras.
Habang nakaupo, muli niyang binalikan sa alaala ang pagkukuwentuhan nila ng bayaw na si Ricky. Matabil na matabil na si Ricky.
“Bayaw huwag mo nang mababanggit kay Precy ang mga sinasabi ko ha, kasi’y lalong magagalit sa akin ‘yun.”
“Huwag kang mag-alala, Bayaw.”
Dinampot ni Ricky ang bote niya at tumungga. Marami nang naiinom si Ricky pero wala pang palatandaan nang pagsuko. Parang lalo pang ginaganahan.
‘‘Matigas nga lang ang ulo ni Precy, Bayaw. Pinagsabihan ko na huwag laging makikipagkita sa siyota niya dahil baka magkaanuhan. Ayaw makinig. Lagi silang magkadikit...’’
Mabuti naman palang kapatid si Ricky. Ang ma­aaring mangyari kay Precy ang inaalala nito. Oo nga naman, kapag madalas magkasama, malapit ang tukso.
At naisip ni Fred, tiyakl na ang siyota na iyon ni Precy ang nakauna rito.
Idinaan ni Fred sa pag-inom ang natuklasang iyon. Okey lang sa kanya…
(Itutuloy)


MAY HIYAS PA SA LIBLIB

(Kwento ni Ronnie M. Halos)== Episode 8 ==




“MABAIT ang kapatid ko, Bayaw, pero may baltik. Pagpasensiyahan mo ha?” sabi ni Ricky na namumula na ang mukha dahil sa ininom na beer.
“A wala ka dapat ipag-alala Bayaw. Kabisado ko na ang ugali ni Precy,” sagot naman ni Fred.
“Kasi’y baka hindi ka tu­magal, Bayaw. Kaya ngayon pa lang ay sinasabi ko na. Pero mabait si Precy…”
“Mabait talaga, Bayaw. Kaya nga nagustuhan ko agad eh.”
“Ikaw naman ay mabait din, Bayaw.”
“Sige Bayaw inom pa tayo at kapag naubos ‘yan ay bibili pa tayo,” sabi ni Fred at binunot ang pitaka sa bulsa. “Marami pa akong pera rito. Me dollar pa. Eto Bayaw, sa’yo na tong 50 dollars…”
“Talaga, Bayaw? Makakahawak din ako ng dollar.”
“Oo. Sige na kunin mo na. Pagdating ni Bino ay bibigyan ko rin.”
“Ambait mo talaga Ba-yaw. Talagang nasa mabuting kamay si Precy.”
“Basta pag umalis ako Bayaw, e tingnan-tingnan mo na lang si Precy, ha?”
“Oo naman.”
“Kaya lang Bayaw, napapansin ko na parang masama ang loob sa’yo ni Precy. Hula ko lang naman ito pero napapansin ko na inis siya sa’yo.”
Hindi naituloy ni Ricky ang akmang pag-inom ng beer. Ibinaba at saka dumampot ng crispy pata. Pagkatapos ay dinampot muli ang bote ng beer at tinungga. Matagal. Nang ibaba ay ubos na ang beer.
“Alam mo Bayaw, kaya inis sa akin yang Precy ay dahil madalas ko ‘yang pinagsasabihan nun. Si-yempre ako ang panganay at siya ay bunso. Madalas kong pangaralan. Kasi’y tumitigas ang ulo…”
“Ah ayaw siyang ma­pagsabihan ganun, Bayaw?”
“Oo.”
“Sinasagut-sagot ka?”
“Hindi lang sagot kundi lumalaban talaga.”
Natigilan si Fred. Sabi ni Ricky, mabait daw si Precy pero lumalaban.
“Huwag ka sanang magbabago sa pagmamahal kay Precy, Bayaw. Matagal na naman kasing nangyari iyon…”
Natigilan si Fred. Tama ba ang narinig niya? Matagal na raw nangyari iyon. Ano kaya yun?
“Si Bayaw naman at binibitin pa ako. Ano ba yung tungkol doon?”
Dumampot pa ng isang beer sa case si Ricky. Binuksan at saka iniabot kay Fred. Nagbukas uli ng isa pa para sa kanya. Tumungga. Saka nagsalita.
“May siyota kasi dati si Precy. Kasamahan niya sa call center. Dati kasi sa call center nagtatra­ba­ho si Precy. Madalas silang magkasama palib­hasa ay parehong panggabi ang trabaho…
Ininom ni Fred ang beer. Hindi niya tinigilan ang pag­lagok. Nasa isip ni Fred: Ang lalaki kayang yun ang naka-donselya kay Precy?
(itutuloy)






MAY HIYAS PA SA LIBLIB

(Kwento ni Ronnie M. Halos)== Episode 7 ==


NAGTATAKA na talaga si Fred sa asawang si Precy. Bakit suklam na suklam ito nang yayain niyang magtungo sa da­ting tirahan sa Sta. Ana. Ayaw na yatang makita ang mga kapatid — lalo si Ricky.
“Baka magtaka kapag hindi ka kasama, Precy.”
“Hindi magtataka ‘yun. Ikaw na lang, Mag-iinuman lang naman kayo.”
“Paano kung magta­nong, anong sasabihin ko?”
“Sabihin mo masama ang pakiramdam. O kahit ano basta mag-imbento ka.”
Walang nagawa si Fred. Hindi niya pinilit si Precy.
Nang dumating siya sa Sta. Ana, tinanong nga agad siya ni Ricky kung bakit wala si Precy.
“Masama ang katawan, Bayaw.’
“Naku ha, baka tina­maan mo agad, isang linggo pa lang ah!”
Nagtawa lang si Fred.
“Ayos yan, para pag-alis mo ng Saudi e may laman na.”
Nagtawa lang uli siya.
“Inom na tayo, Bayaw. Para makarami,” sabi niya para mabaling sa iba ang usapan.
“Sige magpapaigib na ako, Bayaw.”
Binunot ni Fred ang pitaka at kumuha ng pera.
“Magpabili ka na rin nang maraming pulutan. Yung masarap, bayaw para ayos ang laklakan natin.”
“Ayos ito. Ano bang pu­lutan ang gusto mo, Bayaw?”
“Kahit ano, Bayaw.”
“Sisig, papaitan, crispy pata, litson…okey ba sa’yo.”
“Oo, sige.”
“Sige diyan ka muna at magpapabili ako. Manood ka muna ng TV.”
Umalis na si Ricky.
Nagtaka si Fred kung bakit wala ang bayaw na si Bino. May lakad siguro. Mukhang tahimik si Bino at malayung-malayo sa ugali ni Ricky na masyadong maboka.
Maya-maya lamang ay narito na si Ricky at may kasamang lalaki na pasan-pasan ang plastic case ng beer. Ibinaba ng lalaki ang case. Umalis na agad pag­kababa.
“Ito na ang likidong pam­pataranta, Bayaw. Ma­lamig na malamig. Yung pulutan natin, idedeliber na lang.”
“Nasaan si Bino, Bayaw?”
“Umalis. Ewan ko kung saan nagpunta. Pag Linggo, laging nasa labas, yun.”
Sinimulan nila ang inuman. Masarap ang malamig na beer. Sabay na sabay nilang naubos ang unang bote.
Lalong sumarap ang inuman nang dumating ang mga pulutan. Inupa­kan ni Fred ang crispy pata. Malutong na ma­lutong.
Sunod-sunod na ang tungga.
Lalong naging ma­boka si Ricky. May sinabi sa kapatid na si Precy.
(Itutuloy)




MAY HIYAS PA SA LIBLIB
(Kwento ni Ronnie M. Halos)== Episode 6 == 


NASA Calapan na si Fred. Matagal na panahon ding hindi siya nakabalik sa lugar na ito. Hindi na niya matandaan kung ilang taon. Mahigit 20 taon o mahigit pa. Binata pa siya noon.
Habang tumatakbo ang pickup sa highway ay nakadarama naman siya ng bahagyang katahimikan ng kalooban. Siguro ay dahil nakatakas na siya sa lugar na nagdulot sa kanya ng mga sakit na kalooban. Sabagay, noon pa ang pangarap niya kapag retirado na ay babalik siya sa pinagmulang lugar. Gusto niyang maranasang muli ang katahimikan at kapayapaan ng lugar. At sino ba ang mag-aakala na hindi pa pala siya sumasapit sa edad na pagreretiro ay eto’t narito na siya sa lugar na pinapangarap niya.
Ang mga kasawian sa buhay ang nagtulak sa kanya para mas maagang bumalik sa kinagisnang lugar na matagal din niyang tinalikdan.
At ang matinding nagtulak ay ang ginawa ni Precy. Putang babae!
Akala talaga ni Fred ay walang pingas si Precy nang pakasalan niya. Paano’y tipong mahinhin. Pero nagulat siya nang matuklasan na hindi na ito birhen. Isa pa naman iyon sa pinakaaasam niya sa isang babae. Kahit ang ibang lalaki ay hindi na nagpapahalaga ke birhen o hindi ang babae, para sa kanya, mahalaga iyon. Kaya nang matuklasan niya sa unang gabi nila ni Precy na hindi na ito birhen, nagkaroon siya ng isipin. Bakit kaya ? Sino kaya ang nakauna?

Ayaw niyang ungkatin kay Precy ang natuklasan. Ayaw din naman niyang masaktan ito. At naisip din naman niya, maraming dahilan kung bakit nawawala ang kabirhenan ng babae. Sa pagba-bike o pag-akyat-akyat sa punongkahoy ay maaari raw mawala ang kabirhenan. Manipis daw na tila lamad ang sinasabing hymen ng babae. Masundot lamang daw iyon ay butas na. Ganun lang kanipis ang kabirhenan.
Hindi niya inungkat ang anuman ukol doon. Sa panahon ngayon, siguro nga ay hindi na uso ang birhen. Okey lang. Balewalain na lang iyon.
Ang isang nagbigay din ng isipin kay Fred ay ipinakikitang pagkainis ni Precy sa kapatid na si Ricky.
Nang ipaalala niya kay Precy na pupunta sila sa Sta. Ana sa Linggo ay umasim ang mukha nito.
“Ikaw na lang. Nasusuklam na akong magtungo roon!”
Napabuntunghininga ako. Anong nangyayari kay Precy? (Itutuloy)


MAY HIYAS PA SA LIBLIB
(Kwento ni Ronnie M. Halos)== Episode 5 == 


HINDI na nagtanong pa si Fred kung ano ang seryosong pinag-usapan ni Precy at ng kapatid nito at kung bakit gustung-gusto na niyang makaalis sa bahay. Siguro’y dahil sa napamahal na sa kanya si Precy kahit na maikli pa lang ang panahon na aming ipinagkikilala. Anuman ang problema nilang magkapatid ay hindi na iyon binigyang pansin pa ni Fred.
Mabilis ang mga pang­yayari. Ikinasal sila ni Precy ng isang huwes sa Manila City Hall. May isang pares ng ninong at ninang. Naroon ang dalawang kapatid niya. Hindi nakarating ang kapatid na babae ni Fred dahil may lakad daw sa school na pinag-aaralan ng kanyang anak.
Nang matapos ang seremonya, kumain sila sa isang Chinese restaurant sa Binondo. Maraming putahe. Sobra-sobra sa kanila. Umorder ng beer. Panay agad ang tungga ng isang kapatid ni Precy na si Ricky. Si Ricky yung kapatid na kumausap kay Precy noong una siyang magtungo sa bahay ng mga ito sa Sta. Ana.  
‘‘E di tatangayin mo na ang kapatid namin, Bayaw,’’ sabi ng kapatid ni Precy na si Ricky.
‘‘Tapos na yung ipinagagawa kong bahay, Bayaw at dapat nang matirahan dahil baka masira,’’ sagot naman ni Fred. Si Precy ay patuloy lang sa pagkain. Yung isang kapatid na lalaki — si Bino, ay patuloy din sa pagkain.
‘‘Mga ilang buwan ba ang bakasyon mo, Bayaw?’’

“Isang buwan lang. Pero maaari uli akong magba­kasyon after one year.’’
“Tamang-tama pala.”
Hindi niya alam kung ano ‘yung tamang-tama na sinabi ni Ricky.
Pagkatapos ng kainan ay naghiwa-hiwalay na. Sila ni Precy ay sa bahay na dederetso.
“O sige Bayaw, ikaw na ang bahala sa kapatid namin. Dalawin n’yo naman kami sa Sta. Ana.”
“Oo bayaw. Sige sa Linggo ay pupunta kami. Mag-inuman tayo. May binili ako sa Duty Free na Blue Label.”
“Sige ha.”
Si Precy naman ng sul­ya-­ pan ni Fred ay tila wala sa mood.
Nagtaksi na sila patungo sa bagong bahay na pinagawa niya sa Camarin. Excited si Fred. Kanyang-kanya na si Precy.
Mangha si Precy nang makita ang bahay.
“Matagal na ba ‘to, Fred?”
“Mga tatlong buwan nang natatapos. Pina-renovate ko yung lumang bunggalo.”
“Nakatira rin dito ang asawa mong namatay?”
“Oo. Maliit pa ito nun.”
Unang gabi nila. Sabik na siya. Matagal na siyang bakante. Kaya masahol pa sa aso nang siya umatake.
Pero nabigo siya sa ina­asahan. Hindi na birhen si Precy. May nakaraan na!
Napaangat si Fred nang umatungal ang Starlite na sinasakyan. Nasa Calapan Pier na sila. Tumayo siya para puntahan ang pick-up.
(Itutuloy)






MAY HIYAS PA SA LIBLIB

(Kwento ni Ronnie M. Halos)== Episode 4 ==




NAGKITA sina Fred at Precy. Maganda sa personal si Precy. Mahinhing kumilos. Nakumpirma niya sa sarili na ito na nga ang babaing gusto niyang makasama sa buhay. Tama ang kasamahan niyang si Junior na magugustuhan niya si Precy kapag nakita.
Dinalaw niya ito sa bahay sa Sta. Ana. May dala siyang imported na chocolates. Wala nang mga magulang si Precy at ang dalawang kapatid na lalaki ang kasama sa bahay. Mababait naman ang mga kapatid. Mainit ang pagtanggap sa kanya.
Nagkaunawaan silang dalawa. Mabilis ang pangyayari. Nagkasundo na magpakasal na agad.
“Gusto ko bago bumalik sa Riyadh ay kasal na tayo, Precy.”
“Ikaw ang bahala, Fred.”
“Paano ka nga pala nakilala ni Junior na kasamahan ko.”
“Natira kami sa may Tejeros, Makati naging kapitbahay namin si Junior. Yung kapatid na babae ni Junior ay kaklase ko sa Makati High.”
“Ah kaya pala kilala ka.”
“Anong sabi ni Junior.”
“Maganda ka raw. Totoo pala.”
“Nagulat nga ako nang dumating ang sulat mo. Kasi matagal na kaming walang kontak ni Junior mula nang lumipat kami rito sa Sta. Ana. Ang huling pagkikita namin ay nung magkita-kita kaming magkakaklase at sa kanilang bahay ginawa ang kainan. Kinuha ang address ko. Iyon pala e ibibigay sa’yo…”
“Akala ko nga nagbibiro si Junior nang sabihin na meron siyang kaibigang babae. Binigay ang address mo. Sulatan daw kita. Hindi ko agad ginawa dahil wala naman akong hilig makipag-penpal. Pero nasumpungan ko ang sarili na gumagawa ng sulat para sa’yo…”
“Biyudo ka nga ba?”
“Oo. May isa akong anak. Hindi ko nabanggit sa’yo nang huli tayong mag-usap.”
“Ano pang sinabi sa’yo ni Junior?”
“Bukod sa maganda, mahinhin ka raw at mabait.”
“Wala nang iba?”
“Wala na.”
Napansin ni Fred ang paglapit ng isang kapatid ni Precy.
“Bayaw excuse ha. Me sasabihin lang ako kay utol.”
Tinawag na siyang bayaw.
Tumayo si Precy at su­­­mun­od sa kapatid na nagtungo sa kuwarto.
Maya-maya nagbalik din. Halatang may pinag-usapang seryoso dahil walang kaimik-imik si Precy.
Nang magsalita ay gusto nang maiyak.
“Gusto ko nang makaalis sa bahay na ito, Fred.”
(Itutuloy)






MAY HIYAS PA SA LIBLIB

(Kwento ni Ronnie M. Halos)== Episode 3 == 

NAKAPENPAL ni Fred si Precy dahil sa kasamahan niya sa trabaho sa Riyadh na si Junior. Ibinigay nito sa kanya ang pangalan. Nalaman ng kasamahan niya na biyudo siya.
“Ilang taon na rin naman na biyudo ka Pareng Fred at siguro ay hindi masama kung maghanap ka ng makakatabi sa higaan. Mahirap ding puro kamay ang gagamitin mo. Baka magsugat yan e maimpeksiyon pa…”
Napangiti siya. Pala­biro si Junior.
“Sulatan mo ito, bakasakaling magkasundo kayo e di makakahanap na ng butas ang manok mo. Mahirap talaga kung pala-ging palad ang gagamitin…”


“Dalaga?”
“Oo. At sigurado ako, birhen pa itong sinasabong ko sa’yo.”
“Hindi na uso ang birhen, Pareng Junior.”
“Birhen pa ito, sigurado ako.”
Nagtawa si Fred.
“Parang na-testing mo na, Pareng Junior.”
“Paano ko masasabing birhen kung natesting ko.”
“Puro ka biro Pareng Junior.”
“Basta sulatan mo ito at hindi ka magsisisi.”
Kinuha ni Fred ang papel na may name at addess ng babae. Itinago niya sa pitaka.
Nakalimutan na niya. Pero isang araw na nagkakalkal ng pitaka e nakita ang kapirasong papel na may pangalan at address ng babaing binigay ni Pareng Junior.
Naisipan niyang sulatan. Maikli lang ang ginawang sulat. Aba, pagkaraan ng isang linggo e may sagot na. Ang kasunod ay hindi na pagsusulatan kundi sa text na. Kasunod ay ang tawagan na.
Tuwang-tuwa si Pareng Junior sa nangyari.
“Kapag nagkataon e mayroon ka nang makakalaro sa higaan, Pareng Fred. At si­gurado ako, match na match kayo. Maganda siya di ba?”
“Oo. Mukhang mahinhin.”
“Oo. Hindi kita ima-match sa malandi.”
“Type ko na nga e.”
 “Kailan ba ang vacation mo?”
“Sa December.”
“Tamang-tama. Pagnagkita kayo, yayain mo nang pakasal para pagbalik mo rito, masayang-masaya ka na.”
Nagmulat si Fred. Ti­na­naw ang malawak na da­gat. Malayo pa ang Calapan pier. Pumikit muli siya. Marami pang babalikan sa nakaraan. (Itutuloy)



MAY HIYAS PA SA LIBLIB
(Kwento ni Ronnie M. Halos)

(Simula)

NAIKARGA nang lahat ni Fred ang mga mahahalagang gamit sa kanyang pick-up --- karamihan ay damit, pinggan, baso, at pagkain. Hindi niya sigurado kung magagamit ang ref ang TV sa pupuntahan kaya hindi niya dinala. Hindi niya alam kung may kur-yente na roon. Saka na lang niya babalikan ang mga iyon kung matiyak na may kuryente na sa lilipatang lu­gar. Sabagay kahit walang kuryente sa lugar kaya naman niyang magtiis. Lumaki siya sa bukid at sanay siya sa ganoong kalagayan.
Sinulyapan niya ang ba­­­hay niya na matagal-ta­gal ding tinirhan. Ang bahay na iyon ang bunga ng kanyang pagpapakahirap sa Saudi Arabia nang maraming taon. At sa loob din ng bahay na iyon siya sinalaula ng kanyang pangalang asawa habang nagpapakahirap sa Saudi Arabia.
Pinaaandar na niya ang pick-up. Hindi niya alam kung kailan babalik dito.
Habang tumatakbo sa South Luzon Expressway ay sumasagi sa isipan niya ang mga nakaraan. Talagang hindi niya malimutan ang mga nangyari. Kahit na ipinangako na niya sa sarili na kalilimutan na ang masakit na nangyari e hindi pa rin niya magawa.
Akala ni Fred nang mapangasawa si Precy ay ma­­lilimutan niya ang unang hapdi ng kabiguan pero hin­di pala. Mas makirot pala ang idudulot ni Precy dahil “iniputan” siya nito sa ulo. Isipin na lamang na iilang buwan pa lamang silang nagsasama ni Precy. Kaa-alis lang niya patungo sa Saudi ay bumigay na. Ikalawang asawa niya si Precy makaraang mabiyudo. Ang una niyang asawa ay si Nida. Namatay si Nida sa panganganak. Nabuhay ang bata pero sa isang kapatid niya ito pinaalagaan. Malaki na ang anak niya kay Nida. Gusto man niyang isama ito sa bahay ay tutol si Precy. Ayaw nito. Dahil mahal si Precy, sinunod niya ang gusto.

Hindi niya akalain na “iiputan” siya sa ulo ni Precy. Paano’y tingin niya rito ay desente. Wala siyang makitang landi sa katawan. Hayup na babae at makati pa pala sa gulay na gabi!
Banayad lamang ang takbo ni Fred. Kahit na ma­tagalan siya bago makara-ring sa pupunytahan ay okey lang. Basta makaalis siya sa Maynila at sa probinsiya kung saan siya lumaki at nagkaisip gustong manirahan. Desidido na siya sa mga gagawin sa pagtira sa liblib na lugar na iyon. Sabi niya sa kanyang kapatid na nag-aalaga sa anak, dadalawin na lang kapag nagkaron ng pagkakataon.
“Gusto ko makapagsarili. Gusto ko e sa tahimik na lugar,” sabi niya sa kapatid.
“Ikaw ang bahala, Kuya. Pero dalawin mo ang anak mo at kawawa naman dito sa Maynila.”
Tumango si Fred.
Bago mag-alas dose ay nasa Batangas pier na si Fred. Tamang-tama paalis na ang ro-ro.


== Episode 2 ==

UMATUNGAL ang Starlite. Palatandaang aalis na sa Batangas pier. Maya-maya pa, naramdaman ni Fred ang pagkilos ng mga tripulante. Mula sa kinauupuan sa gilid ng barko ay nakita niyang inaalis na ang higanteng lubid na gawa sa nylon. Maya-maya pa, umusad na ang Starlite, pumihit at saka dere-deretso nang tumakbo at humiwa sa asul na dagat. Nakita ni Fred ang dinaanan ng barko na parang nagkaroon ng kalsada.
Mas masarap sa upper deck ng barko sapagkat masarap ang simoy ng hangin. Pumikit si Fred at ninanamnam ang dampi ng hangin sa kanyang pisngi.
At muli sa pagkakapikit ay nakita na naman niya ang nakaraan. Una ay ang masakit na pagkamatay ng kanyang asawang si Nida na namatay sa panganganak. Hindi pa siya nagsa-Saudi noon at nagtatrabaho pa sa isang kompanya ng papel sa Makati bilang secretary. Matagal bago nagbuntis si Nida. Limang taon na silang kasal bago nagbuntis. Hirap na hirap ito sa pagbubuntis. At hanggang sa mangyari ang masaklap na pangyayari, namatay ito habang iniluluwal ang kanilang panganay.
Gusto na rin niyang ma­matay nang mawala si Nida. Nawalan siya ng gana sa buhay. Maski may anak na naiwan si Nida, hindi sapat. Bakit ganoon kaikli ang pagsasama nila.
Hanggang sa maisip niyang mag-abroad. Nag-resign sa kompanya ng papel ay nag-aplay sa Saudi. Natanggap bilang secretary. Okey ang suweldo. Nalibang siya sa Saudi. Tumagal nang ilang taon.

Hanggang sa maka-penpal si Precy. Niligawan. Naging mag-asawa. Akalain ba niyang ito pala ang magdudulot pa nang ma-tinding kabiguan sa buhay niya. Pinendeho siya.
Napadilat si Fred. Puro dagat pa ang natanaw niya. Mga isang oras pa ang biyahe. Pumikit muli. Nakita ang mukha ng babaing nagwalanghiya sa kanya.
(ITUTULOY)