Ipinagdiriwang natin ngayon ang kapistahan ng “Corpus Christi” o ang Katawan at Dugo ni Kristo, ang kaloob na pag-ibig ng Diyos sa atin. Ngunit minsan hindi natin nakikita ang kabutihang dulot nito sa atin. At sa halip na pakinabangan ay nababalewala na natin ito o marahil ay umiiwas lamang tayo na malaman ang tunay na kahulugan nito.
Sa ating Ebanghelyo ngayon, isinasalaysay ang tungkol sa libu-libong nagugutom na taong sumusunod kay Kristo. Sa halip na paalisin Niya ang mga tao, pinakain Niya sila sa pamamagitan ng pagpaparami sa tinapay at isda.(Lk 9:11-17). Labis ang pagmamalasakit na ipinakita ni Jesus para sa mga tao. Nakibahagi at nakiisa Siya sa kanila sa pamamagitan ng mahimalang pagpapakain Niya sa kanila. Ang pangyayaring ito ay binigyang kahulugan ng mga ebanghelista at ng Simbahan bilang simbolo ng pagkaing pangkaluluwa -- ang Eukaristiya.
Sa Banal na Misa, naniniwala tayong ang tinapay at alak ay nagiging katawan at dugo ni Kristo, ngunit nananatili sila sa anyo ng tinapay at alak at ito ay tinatawag na “Transubstantiation”. Sinisikap itong ipaliwanag ng konseptong ito ngunit hindi nito layong magbigay ng katibayan. Kailangan nating makakita sa pamamagitan ng pananampalataya upang mas maunawaan natin ito.
Sa pamamagitan ng Eukaristiya, ninais ni Kristo na manatiling kasama natin Siya ng personal -- hindi lamang upang Siya’y ating alalahanin. Ito ang tinatawag na “real presence” ni Kristo sa Eukaristiya.
Sinabi ni Jesus, “Sinumang kumain ng aking katawan at uminom ng aking dugo ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan at bibigyang-buhay ko siya sa huling araw.”(Jn 6:54)
Nakakalungkot lamang isipin na may mga taong araw-araw dumadalo sa misa at nangongomunyon ngunit hindi nila nauunawaan ang tunay na kahulugan nito. Iniisip nilang mas magiging mabuting tao sila kapag napapalapit sa Diyos sa pamamagitan nito. Ngunit ang totoo’y wala silang pakialam sa kanilang kapwa at namumuhay sila ng labag sa kalooban ng Diyos. Walang bisa ang pagtanggap ng komunyon ayon sa ritwal lamang. Nagkakaroon lamang ito ng bisa kung isinasabuhay ng taong tumanggap nito ang grasyang ipinagkakaloob nito.
Sa pagdiriwang natin ngayon ng Corpus Christi, nawa’y magbigay ito sa atin ng higit pang pagpapahalaga sa Eukaristiya, at mas lalo pa nating maunawaan ang tunay na kahulugan nito. Ang katotohanang, ipinagdiriwang natin ang Eukaristiya bilang pag-alaala sa ating Panginoong Jesu Kristo na namatay sa krus para sa ating kaligtasan.
No comments:
Post a Comment